Pluma. Tinta. Tinta.

Novena Porno

Naliligo sa init ng tinta at abiso
Hubad sa iyo at sa iyong kumbento
Itali ang rosaryo sa leeg at bisig
Alingawngaw at sigaw mo’y hindi maririnig

Basa ang mga mata ni hudas
Basa sa luha, maalsa at malagkit
Dasalan ang kanyang bukalan, ito’y lilipas
Delusyon at diliryo bakat sa damit

Buklating mahimbing ang bibliya
Dampian ng tubig at ipikit ang bibig
Piringan at igapos sa tinik na silya
Ikaw ang salita ng diyos, ikaw ang pintig

Mabuhangin ang bawat pagsalat sa aklat
Banal ang labi sa umaalat na balat
Kumpisal mong sumiping sa lupa
Binabasbasan ang kasalanang nalikha






DED Caluag


Isinalin sa baso kaluluwang spirito santo
Guni-guni mo lamang ang hadlang
Sa morge ikaw ang bagong salta
Isang lagok buong gabing makata

Ilang beses ka na namatay sa bangungot
At madalas mabuhay sa panaginip
Katas ng katawan sa bagong kama nanuot
Sa kabaong subukan mo maidlip

Walang nararamdaman
Wala ako dito ngayon
Hindi ako ang nagpapagalaw ng baso
Hindi ako pumunta dito para makipag-away
Tangina mo.



Kambing sa Saudi

Damo ihalo mo sa buhangin
Ibuka ang bunganga
Isubong buo ang pait at asin
Kulang daw sa sustansya
Walang malay, walang konsensiya
Kwentong ikinakanta, siya ay maligaya
Binigay na espasyo sa puwing ibinaling
Sa mga linya ng kable sumisiping
Hubad na huwad sa disyerto
Nakaraan ay sino, nakaraan ay anino
Tuyo ang lalamunan sa paghihintay
Tubig na pinadulas ng langis
Uhaw sa inigib na pawis
Sa tirik ng araw nagbibigkis
Sa pisngi nalanta ang tangis
Sining ginawang piring
Ginawang lamay binigay na taning

Adik sa Katinko

Tinalian sariling paa at kamay
Hindi makahinga
Huwad sa huwad aking pinanood

Naririnig ngunit hindi nakakakita
Bawat talata siya ay humahanga
Irog sa ilog inaanod

Alaala ay binugaw at tinangay
Inilibing din mismo sariling bunga
Sa kasinungalingan mo ako’y napapaluhod

Kalagan ang sarili’t ialay
Kunwari ikaw ay tanga
Pumikit at hayaan ang sarili malunod


Isinilid na Puwang

Gunita sa paalam
Ako ay tulala
Usok sa silid

Sa lilim nakapikit
Ako ay malaya
Nabubulok sa gilid

Alipin sa pagbalik
Tanawin walang maangkin
Alabok at bahid

Abo Sa Kalyo

May usong droga sa bansa
Aakuin mo ang delusyon at ibebenta sa kapwa
Pagmulat palang ay isusubo na sa iyo
Ang krus sabay dila
Ang epekto ay bulag-bulagan
Bingi-bingihan
Paramihan at nagsisiksikan
Ang krus sabay dila
May usok, may ulap
Sa bukang bibig mahahanap
Huhubaran kang tila may sala
Bibihisan kang may ngiti sa mukha
Paglalamayan ang mga maling ginawa
Ibuburol lahat ito sa madla

Parnaso

Sa pag lapag ng ulan sa parnaso, walang permisong lalaya ang usok at walang abisong isusuko ang kamalayan sa araw.

hiyatawa

Minsan pakiramdam ko naghahati kami sa isang panaginip

nung alaga naming manok

Walang hangad na bago,

Ibubukas ang bibig kapag magsasalita

Ibubukas ang bibig kapag kakain

Iidlip at kalilimutan ang sitwasyon

Matutulog at bukas uulit lang

Yuyuko at titingala sa tanikala

May tali’t nakakulong

Naghihintay ng itak sa leeg.

Berting Labra

Hindi ko malilimutan ang araw na iyon
Mga ngiting mapanira sa tula
Tuluyang natunaw ang pagiisp
sa lilim ng ulap may ihip na mailap
Hindi makahinga, hindi ka masaya
Hanapin sa diksyonaryo
ang kahulugang hinahanap
Wala diyan, nasa baso
Wala dito, nasa hangin
Tulala sa tala
at tuluyan kang nawala
subukan mang makanakaw ng segundo
kahit saan, kahit doon
may upuang maitutulak
may mga usapang magaganap
at usok na malalasap
lasang labi, lasang hapunan
mga gusot na patungo sa kasinungalingan
na mauuwi sa gabing inaagiw
at permisong ibalik sa dati ang lahat

Notaryo

Kailan pa namatay ang imahinasyon ng mga tao? Kailan mo huling narinig ang mga salitang magbibigay tinta sa pluma mong tuyong tuyo na at hayok sumiping sa papel.