Dalawang beses inuntog ni Mang Renato ang kanyang ulo sa pader. Hindi lang siguro dalawa. Dalawa lang ang inabutan ko, marahil marami pa sapagkat duguan na ang mukha nito noong makita ko. Wala namang sira sa pag-iisip si Mang Renato. Sa katunayan ito’y may pamilya, isang asawa at isang anak na nasa elementarya. Isa siyang “Sekyu” sa isang pabrika ng plastik. Siguro nagawa niya iyon dahil sa mga nalalanghap niya at lumubo na sa pag-iisip nya kaya niya pinapaputok gamit ang ulo nya o kung ano man. Ayaw ni Mang Renato sa pabrika at hindi dahil sa amoy, sa amo, sa sweldo, sa mga taong nagtatrabaho o sa mga makinaryang ginagamit nila. Ayaw niya sa pabrika dahil walang aksyon doon. Walang kagana-ganang bantayan. Sa katunayan ay mayroong sofa at telebisyon sa kinalalagyan ni Mang Renato. Maari rin siyang matulog kapag gabi na. May kulambo pa ang kanyang tulugan at may reserbang mga kahon ng katol kung may mga lamok na maliliit na nakakalusot sa butas ng kulambo ni Mang Renato. Mayroon ding radyo na palagi niyang binubuksan kapag hindi siya makatulog. Ang istasyon niya ay kay Doktor Love. Ang trabaho niya lamang ay magsara at magbukas ng pinto at umikot ng isang beses sa pabrika kapag gabi. Ngunit hindi siya kuntento, hindi siya masaya.

Matagal na niyang gustong magtrabaho doon sa bangko. Gustong gusto na niyang lumipat doon. Matagal na niya iyong pangarap, matagal na niya iyong nais. Ito’y magmula noong ito’y malooban ng limang katao na nilimas ang pera ng bangko at pumatay ng dalawang sekyu, tatlong taon na ang nakakaraan. Isa sa mga napatay ay ang kanyang kaibigang si Mang Luisito. Isang mabait na tao, simple lamang ngunit laging nagpapainom kahit walang okasyon. Ang lagi niyang sinasabi ay “Sige lang mga pare! Inom lang tayo! Marami ata akong pera! Sa bangko ako nagtatrabaho!” Naroon si Mang Renato noong nangyari ang pangloloob. Naabutan niyang nakahandusay sa semento si Mang Luisito at nakababad sa dugo ang puting uniporme. Dito, dito niya nakita ang kaibigang may tama ng mga bala at may ngiti sa mukha. “Pare, sa burol ko magpa-inom ka at magpakalunod lang kayo sapagkat marami akong pera dahil sa bangko ako nagtrabaho.” Ito ang huling linyang binigkas ni Mang Luisito bago ito namaalam.

Ika-labing anim na taong gulang na kaaraawan ng anak ni Mang Renato na si Allona. Nagdadalaga na ito at malapit ng tumungo sa kolehiyo. Mayroon narin itong mga manliligaw at lahat ay tila palyado kay Mang Renato. Sa isang malaking lamesa ay doon nagtitipon tipon lahat ng mga kaibigang sekyu ni Mang Renato. Ang sweldo nila’y pare-parehas lamang ngunit binabase nila ang kayabangan nila sa uri o bagay na binabantayan nila. Ang hari dati ay si Mang Luisito sapagkat siya ang pinakamayaman sa lahat dahil bangko ang sakop nito. Ang pangalawa at ang nangunguna na ngayon sapagkat ang binabantayan nito dati ay Hacienda na lumipat na rin sa bangko ay si Mang Dyords. Isang matabang, malakas mag-inom, malakas kumain na lalaki. Yung tipong Manong ang dating. Dati itong tanod ngunit laging tulog kaya nireklamo ng mga tao dahil walang ronda kapag gabi. Ang pangatlo naman dati na pangalawa na ngayon ay si Mang Jovit. Siya ang guwardiya sa Pegasus. Yung bar na may dine in or take out na foreigner lang pedeng pumasok o di kaya mga mayayamang indio. Si Mang Jovit lang ata ang nakakapasok doon na bente lamang ang laman ng bulsa at butas na medyas. Ang pang-apat naman dati na pangatlo na ngayon ay si Mang Romeo. Si Mang Romeo ay may edad na at siya’y nakapagbantay na ng napakaraming sari-sari store. Noong umabot siya nangsinkwenta doon nagsimulang mawalan na rin siya ng kwenta. Sa tuwing may nagnanakaw ng paninda sa oras nito ay laging nakakatakas sapagkat mahina na ang tuhod ni Mang Romeo. Hindi na ito makatakbo at hindi narin makaluhod sa harap ni Aling Tonya. Si Aling Tonya na naghanap na ng ibang asawa. Mas bata, mas sariwa, mas matibay ang tuhod na tumatagal ng isang oras at limang minuto hindi tulad ni Mang Romeo na limang segundo na lamang. At si Mang Bords. Kapatid ni Mang Dyords na pumalit na sekyu sa Hacienda.

Tumungo ang usapan sa lamesa ng mga sekyu sa nangyari kay Mang Luisito. Ang sinapit nito at ang mga nakakatuwang alaala mula sa kanya. “Sige lang mga pare! Inom lang tayo! Marami ata akong pera! Sa bangko ako nagtatrabaho!” sabay-sabay nilang bigkas. Nilaman ng usapan ay ang pagpapaka-bayani raw ni Mang Luisito na hindi na sana niya ginawa. Kilala naman at may insurance daw ang bangkong kanyang pinagtatrabahuan kaya naman hindi na dapat siya nakipag-agawan ng baril noong pinadapa na sya. Naulilla niya ang kanyang dalawang dalaga at asawang si Aling Puring na laging nagmamadjong. Bali-balita na may iba raw lalaking kinakatagpo si Aling Puring, ang pagkakasabi ay si Berto raw na nagpapataya ng Jueteng. “Anak ng Jueteng!” bigkas ni Mang Dyords. “Ang alak yan dapat ay nagpapagalak hindi nagkakapagpalaki ng tyan na para kang Parak!” singit ni Mang Romeo. Tahimik si Mang Renato. Iniisip nya parin magpadestino sa bangko. Iniisip niya ang ngiti at saya sa mukha ni Mang Luisito.

Araw ng trabaho at may lumusot na asong grasa sa pinto ng pabrika. Binato ni Mang Renato at ito’y walang imik. Hinampas-hampas niya ang sanga ng puno sa lupa at ito’y walang imik. Tinignan lamang siya. Tinitigan lamang na walang imik, walang tahol, walang ungol. Ito’y naupo lamang sa gilid at nagmasid. Humiga at tumungo. Hinayaan na lamang at nais lang sigurong mag-pahinga at manatili sa lilim panandalian. Alas cuatro ng madaling araw ay labis na nagtaka si Mang Renato sapagkat maliwanag pa ang daanan. Maraming tao, maraming tolda, maraming tubong nakatayo, maraming barya ang nagkakalansingan, maramingg bulaklak ang nakakalat sa lansangan. Doon matatagpuan ang limang kahong nakahilera. Kaunting pintig ng liwanag at amoy ng sampaguita na may halong usok ng kandila, siya’y marahan na lumapit. Dito naka-kahon kanyang mga kaibigan. Dito binanggit sa kanya ang nangyari habang siya’y nakatingin sa mga ito. Umaga ng looban ng limang lalaki ang bangko na pinapasukan ni Mang Dyords, nilimas ang pera at tulad ni Mang Luisito ay nagpakita ng tapang si Mang Dyords kung kaya naman nalunod ito sa sariling dugo na may lumulutang na basyo ng bala. Matapos ang panloloob ay nakuha pa raw dumaan ng mga holdaper sa grocery store upang bumili ng alak at ilang paninda. Noong nasa counter na ang dalawa upang magbayad ang mga ito ay sakto namang nasulyapan ni Mang Romeo ang nakasukbit na baril na nakakubli sa Maong nitong tyaleko. Ang akala niya’y magdedeklara sila ng “holdap” kung kaya naman inunahan niya ito’t tinutukan. Matanda na si Mang Romeo kung kaya naman kahit nanginginig na ang kamay nito sa pag-hawak ng kanyang shotgun ay nakakasiguro parin siyang may tatamaan ito. Kabisado ni Mang Romeo ang ganitong sitwasyon, sa oras na may bumunot ng baril ay siguradong siya ang mauuna. Si Mang Romeo ay matanda na at hawak niya ang sitwasyon. Sa oras na may bumunot ng baril ay siguradong siya ang mauuna. Yun nga ang nangyari, siya ang naunang dumapa sapagkat may bumunot ng baril at pinutok sa ulo niya ngunit ito’y nagmula sa likod niya galing sa kasama ng dalawa. Ang sinapit naman ni Mang Jovit ay nakakapanghinayang sapagkat biktima siya ng huwad na kahirapan. Nagtungo ang mga holdaper sa Pegasus upang magsaya, upang mambabae, upang mag-inom. Ayos naman ang pakikitungo ng mga ito noong papasok pa lamang ngunit naninibago si Mang Jovit. Hindi karaniwan ang mga indio sa kanilang lugar kaya lang ay binigyan ito ng tip na pampaluwag kalooban kaya naman hinayaan nya na lamang ang mga ito. Noong sila’y papalabas na balak nilang mag-sama ng babae ngunit hindi na sapat ang kanilang pambayad at nangako na lamang na doon sa lugar na pupuntahan na lamang aasikasuhin ang relyebo.
Hindi sang-ayon ang manager, hindi karaniwan ang ganitong sitwasyon. Mga Indio itong mga ito, kung Hapon, kung Koryano, kung Amerikano ay papayag ang manager ngunit hindi ito karaniwan. Itoy mga Indio. Nagpumilit ang limang naturang holdaper at umabot ang pangangaladkad sa pinto kasama ang mga babae. Dito sinapit ni Mang Jovit ang hindi karaniwang kaganapan. Ang nakita niya’y hindi karaniwan, “Mga Indiong mukha hoodlum tumatangay ng mga kolehiyala.” Ayos lang kung Hapon, Koryano o Amerikano sapagkat sanay na syang nakikita ito. Ngunit Indio? Filipino? Winawagayway ni Mang Jovit ang kanyang shotgun at pinakawalan ang basyo sa ere at napahinto lahat ingay nito. Wagayway ulit ngunit sa pagkakataong ito ay nakatutok na sa mga indio. Isang baril sa limang katao ngunit ang sablay sa pagkakataong ito ay dalawa lamang ang bala ng shotgun na hawak-hawak nito at ang dalawang iyon ay nasa hangin na’t naghihintay dumaong. “Hindi ito karaniwan” bulong nya sa sarili. Limang taon na siya doon nagtatrabaho at wala pang ganitong sitwasyon ang nangyari. Hindi karaniwan na may baril na nakatutok sa ulo niya’t pagkatapos iputok ay iiwanan siyang nakahilata sa lupa habang kumakawala ang kaluluwa niya sa kanyang katawan at walang ibang gagawin kundi panuorin ang susunod na mangyayari.Si Mang Bords naman ay malas lang talaga. Inaantok na’t lasing at hapit sa mga babaeng bitbit ang mga holdaper kaya naman kailangan na ng matutulugan. Natapat lamang sa hacienda na kanyang binabantayan kung kaya naman malas lang.

Kinabukasan ay tumungo si Mang Renato sa kanyang trabaho sa pabrika. Siya’y umupo. sumulyap, nag-ikot. May dalang pandesal si Mang Renato sa pag-aakalang naroon pa ang asong grasa. Naabutan niya ito sa ilalim ng tumpok-tumpok na bakal at yero. Hinigisan niya ng pandesal at hindi ito kinain ng aso. Kumuha siya ng isa’t kinagatan at wala itong imik. Nakatingin laman sa kanya. Hindi pa niya ito narinig tumahol kahit isang beses, kahit umungol, wala. “Naisip mo siguro na kahit ilang beses ka tumahol o umungol ay hindi kita maiitindihan. Kahit ulit-ulitin mo, kahit paulit-ulit. Hindi kita maiintindihan. Walang makakaintindi sayo. Ang mabuting gawin na nga lang ay manahimik.”

Dalawang beses inuntog ni Mang Renato ang kanyang ulo sa pader. Hindi lang siguro dalawa. Dalawa lang ang inabutan ko, marahil marami pa sapagkat duguan na ang mukha nito noong makita ko. Yun ang lagi kong panimula sa mga tao kapag isinasalaysay ang buhay ni Mang Renato. Walang sira sa pag-iisip si Mang Renato, Wala kahit pa pinasabog nito ang utak sa harap ng asong grasa pagkatapos itong kausapin. Walang sira kahit sa mga paningin niya’y lahat ng kaibigan niyang nasawi sa oras ng trabaho’y namaalam ng may ngiti sa mukha, may ligaya. Nalulungkot lamang siya sapagkat natanto niyang hindi sya mamamatay sa loob ng pabrika ng plastik.

Lasing Na Pusa

May 11, 2010

May nasalubong akong lasing na pusa. “O, kamusta ka?” bigkas ko. Tumatagilid siya’t lulang lula habang namumula ang mata. “Kumain ka na ba?” At tinanong ko ulit ang lasing na pusa. Naaawa man ako ngunit wala akong magagawaa, kasalanan niyang magpakalasing. Hinawakan ko siya’t binuhat at hinarap sa aking mukha. “O, anong tinitingin tingin mo?” Tinanong ko ulit at baka sa pagkakataong ito ay sumagot na sya.

Tahimik

Tahimik

Tahimik

Walang imik ang pusang lasing.

Sinubukan ko siyang ipasok sa aking bulsa at hindi siya nagrereklamo.  Sinubukan kong ikubli sa loob ng aking damit at aba ito’y maamo. Sinubukan kong iitsa at palakarin sa bubong na puno ng nakausling pako at oo hindi nga sya mareklamo. Siguro kalmado siya dahil lasing, siguro wala siyang pakialam dahil naka-inum.  Wala naman akong problema sa lasing na pusa. Naisip ko lang yung mga pusang nakalabas ang mga mata sa kalye at buka ang mga katawan at naliligo sa dugo na parang papel kapag naarawan at hahanginin nalang ng panahon ng walang maayos na libing. Sila yung mga tumatawid pag gabi at kamalasang nasasagasaan.  Sa tingin ko nakainum rin sila, wala akong pakialam sa totoo lang pero anong magagawa ko, nandito na siya sa harap ko at pagkakataon na ito para matulungan siya.

“Saan mo ba nais magpunta?” Walang imik at nakatitig.

“Sa bahay namin?” Walang imik

“Sa parke?” Walang imik

“Sa bukid kung saan maraming daga?” Walang imik

“Sa palengke kung saan maraming isda?” Walang imik

E saan kaya, malungkot ang pagtitig nya na tila may butil ng luha sa dulo ng kanyang mga mata. Madilim at malawak, mapanira at nakakalunod. Ang pagtitig ay may halong pangamba kaya naman naisip kong tanungin kung…

“Sa sementeryo kaya?” Tumungo.

Inisip ko kung seryoso ang pusang lasing. Nakainum lang siya sa tingin ko. Nakainum lamang at naguguluhan. Ngunit sa titig niyang kalmado ay nagpapasamid sa aking damdamin. Tumungo kami sa sementeryo habang siya’y karga ng aking braso’t dibdib. Dinig niya ang kaba ko, dinig niyang lahat at sa tingin ko kahit siya’y nakainum alam niyang wala akong ibang iniisip kung bakit ko siya sinamahan dito. Pagpasok  ay ako’y naglakad, naglakad na may huwad na pangambang kahit kay lalim na ng gabi at ako’y kalmado lamang kanina ay ngayon ay hindi na mapakali. Napahinto ako sa isang puno, malaking puno. Isang puno na maunlad sa liwanag sapagkat natututukan ng buwan. Tumalon ang lasing na pusa mula sa aking bisig at pumasok siya sa isang butas sa patungo sa loob ng puno. Ako’y naghintay, naghintay hanggang sa umabot sa pagkakataong baka hanggang dito na lamang at malamang siya’y maiidlip na ng biglang…

May umuusling bote ng alak mula sa butas, paunti unti at ako’y nagtaka. Ako’y nagtaka na kahit kanina ko pa ginagawa at iniisip kung bakit ngayon lang ako nagtataka. Ako’y naupo.

Buwan

Sementeryo

Alak

Gabi

Hamog

Walang dahilan para tumanggi sa inaalok nitong pusang lasing na sa tingin ko’y nais niyang mag-inum ng may kasama. Lumipas ang oras na naubos ang laman ng bote. Wala ng alak, wala ng dahilan upang manatili. Napaidlip ako ng kaunti at nananatili paring madilim. Wala na ang pusa sa tabi ko, hindi ko na siya hinanap sapagkat kailangan ko na ring umuwi. Ako’y tumatagilid habang naglalakad, ako’y patagilid kung maglakad. Ako’y may nakasalubong sa haba ng paglalakad, ako’y lula at lasing.. kinausap niya ako at tinanong…

“O, kamusta ka?”

Lutang

April 1, 2010

Totoo! O patawarin mo ako! Tumakbo ako nang kay bilis na halos magkulang sa pag-unawa. O patawarin mo ako at ako’y halos maligaw ngunit oo, patawarin mo ako. Hinabol ko at halos hindi na malulunasan ang pagod ngunit, ngunit patawad. Hinabol ko, hinabol ko suot ang sapatos na ibibigay ko sa iyo ngunit sana ay dinggin mo at unawain mong nagkulang ako, nagkulang ako. Sana ay maalala mo, maibsan ang pagkukulang na ito at kahit ibuod ay tila nanunuod lamang sa tamis at sa tanglaw manunuot na parang parang na lutang ang liwanag ngunit kay rurok ng lilim sa ilalim.

Ang Iniisip ko

March 28, 2010

.

Mabilis Lang

March 14, 2010

Nasaan ka na, ikaw na naghuhukay? Naiinip na ako. Ang sabi mo sa akin ay alas nueve at dumating ako, dumating ako ng mas maaga, ng mas maaga ng tatlumpong minuto. Tulad ng dati, tulad ng dati, tulad ng dati ay maghihintay ako.

Kalmado at at puno ng pagkukulang. Nalulumbay ako at nasaan ka na? Ikaw na nagsabing maghuhukay at maglulubog sa akin dito, ikaw at alam mong hindi ko kayang mag-isa.  Namumula na ang lupa, lumalamig na ang hangin, panatag na ang kalooban ngunit wala ka pa. Ang sabi mo, ang sabi mo, ang sabi mo ay darating ka at hindi ko kayang gawin ito mag-isa. Nagdala na ako ng panghukay at sinimulan ko na upang hindi ka na maabala sapagkat sa tuwing napapatingin ng walang humpay sa malayo ay hindi mapigilan ang sarili sa pag-aalalang wala ka pa. Nagdala na rin ako ng sako, oo, baka nais mo akong balutin, pinagisipan kong mabuti, pinagisipan kong mabuti na baka nais mo akong ikubli.

Nasaan ka ngayong gabi? Nasaan ka at ako’y nalulumbay. Nasaan ka na, ikaw na naghuhukay? Naiinip na ako. Tulad ng dati, tulad ng dati, tulad ng dati ang naghihintay ay ako.

Inip

March 13, 2010

(hango sa tunay na katotohanan)

May gusto akong babae, may gusto ako sa kanya.

Iniisip ko siya kahit paulit-ulit, kahit pauulit ulit na itong nasabi at nabanggit. May gusto ako sa kanya at siya naman ay may taning kapag gabi, siya may taning. Ang Tatay niya’y parang si Eddie Garcia na parang bangus! Matinik! Pero mahigpit at hindi nagigipit. May kuya siya, Oo meron. Mala-Robin Padilla ang bagsakan, “last man standing” kung sa inuman mo susubukan.  Hindi naman nagleleather jacket pero kasing init nito ang dating, ang tindig at ang pagtitig.  Ang balita ko ay nakulong iyon ng sampong taon dahil may ginulping isang pulis at isang sundalo dahil nadaplisan  siya ng  bala ng pellet gun sa tuhod  habang nagpapaligsahan iyong dalawa  sa kanilang lugar. Ang paliwanag pa nga ng dalawa habang nagmamakaawa ay “nag-bounce lang naman po! nag-bounce lang yung bala!” Ganun kakilala sa kakilabutan at sa bayan nila ang kanyang kuya. Hindi pa doon natatapos ang aking miserableng pagpapahayag sapagkat nataong may isang pa siyang naturingang kuya. Hindi naman ito ganun ka-bayolente tulad ng kanyang naunang kuya ngunit sa porma at diskarte ay mahahalintulad mo ito kay Ace Vergel na may katangian bilang isang hari ng kalsada na may halong manginginom rin at malakas sa pagkain. Halos nawala rin ng sampong taon ang kanyang kuyang mala-Ace Vergel sapagkat naipadala ito sa pagamutan at rehabilitasyon para sa pagiisip. Wala namang mahigpit na dahilan, nagulpi niya lamang at halos mapatay ang kanyang ama sapagkat nakain nito ang huling sinangin para sa tanghalian  na nilagyan niya ng aswuete at binalot sa gabi na may sahog na kaunting kamote at saging na nagmamakaawa na sa kanyang isip habang ito ay nagjojogging at bisikleta na nagdulot sa kanya ng panlalabo at pagdidilim ng kanyang konsensiya. Ang kanyang ina, o ang kanyang ina. Wala akong masabi dito, isa siyang uliran at mabuting ina. (sapagkat nais ka nyang pag-aralin sa Canada)

May gusto akong babae, may gusto ako sa kanya.
Oo, gusto ko siya.

Teka lang.

Tolda

March 7, 2010

Hindi ba  kay sarap matulog? Hindi? Hindi? Bakit ipagkakait at ipagpapalit! Marami na akong nakita, marami na akong nakita, marami na akong hindi nagustuhan. Marungis ang mga tao at kung bibihisan mo sa tubig ay magkukulay langis sabay hahalo sa hangin at magiging polusyon ang bawat sabihin nila. Sa tuwing naglalatag ako ng aking kama aba’t ito aking isinasagawa ng malumanay, walang dahas at tila may pangarap. Gumuguhit na ng panaginip upang maibsan sa darating na oras ang walang kasing tahimik na pag-pikit at sa pisara ng pag-idlip ididikit.

Matutulog na ako, matutulog ako. Iyon ang huling ibinulong sa mundo.

Ipinikit ang mata at ibinukas ang alaala. Sumunod sa agos, lumangoy ng hindi alam kung kailan matatapos. Tinuruang mabingi, inalam kung paano mabulag, tinagpo ang sarili at kinalimutang gumapos.  Isa sa mga pinakamaligayang araw, isa sa mga araw na walang taning, walang kapiling, walang taning.

O ang ligaya ay napigil, napigil. Nahinto at ako’y napigil ng ingay at halos hindi makamulat sapagkat dilat ang pakiramdam ko sa ingay. Sa ingay sa labas, sa ingay ng tao, sa ingay na mula sa mga nagtatampisaw sa kwento ng nakaraan at hindi inaanyayahang paratang na sila’y mas mahusay pa sa kanilang nasasabi sa sarili. Umingay, lalong umingay.  Malabo ang aking nakikita, malabo at madilim. Malabo at kulimlim na tila nasa kalagitnaan ang ng pagtulog at pag-gising. Umingay, umiingay ng walang dahas na galaw kundi pag-panaw ng katahimikan sa gabi at pag-idlip.

Nawala ang ingay.

May kumatok sa pinto at may dalang pala na kahilera ng tala. Dahan dahang dumilim, dahan dahang dumilim at ako’y napangiti. O panaginip ikaw sa muli ay akin.

I-kahon

March 1, 2010

“May Diyos bang makata? May Diyos bang makata? May Diyos bang makata?! Kung meron i-kahon natin at balutan, guhitan at ingatan. May diyos bang makata? May Diyos bang makata at tutula sa tuwing ikaw ay naiidlip upang palinawin ang iyong malabong panaginip? May Diyos bang tumutula ng hindi ka malulula sa gulo at sa dulo wala kang mapapala? May piring at luha, may tula at tulala ngunit wala akong napapala, wala kaming napapala. May piring at walang sining na nakikita. Isang kahon, isang kahon kung saan walang aahon! May piring at sang-ayon akong ako’y piringan mo upang hanapin ang hindi na muli makikita sa loob ng kahon!

Ibalik ang kahapon kung saan walang piring, walang kahon, walang luha sa piring at walang oras na itatapon. Ibalik ang kahapon ng walang kahon sa aking harapan. Narito ang kahon na kanina lang ay inumit, narito ang kahon at ang sabi ko’y narito pa ang kahon! May laman ang kahon at sa bawat pag-sulyap ay bumubuhos  sa akin ang kahapon! Ayoko nitong kahon at ang nais ko lamang ay ang kahapon! Ayoko ng kahon at kahapon!  Kahapon lang!

Walang masabing tula ang Diyos sa tulala.

Walang tulala kung hindi ka makata.

Wakas

February 28, 2010

Hindi mo man lamang makikita kung gaano malunod ang mga tao sa kababawan. Hindi ka na makakatawa at makakangiti, hindi ka na malulunos, hindi ka na magkukubli. RIP 2003-2010 Jonas -Kuya

Mulat

February 26, 2010

Huwag kang malunod, huwag kang malunod sa panaginip at umahon, magpa-alon upang makasunod sa ibinibigay na taning.  Huwag mong ipagkait  sa sarili ang mga darating pang paglubog at pagturing sa isang banaag at mapanirang pagsikat ng araw sa iyong mga mata.  Mapanira ang mga dalangin bagkos ako’y magpapanggap na palagay ang aking kalooban na muli kang didilat upang bukas ay ako naman ang iyong salingin. May patlang at may puwang sa bawat lumilipas na oras ngunit ang bawat patlang ay maaring nating punan at ang puwang ay hindi natin hahayaang humadlang upang masulit ang bawat minuto na puno ng pagpaparatang.

Masyadong mapanira ang bawat pagtulog, ang bawat pagkukulang ay walang kapalit kahit iparinig pa ang patawad. Wala ng lunas kapag sumiping sa hangin ang bawat alaala at naagnas sa pamamagitan ng pagkalimot at pagkapoot sa iyong dalahin. Huwag lunurin ang sarili sa panaginip, huwag kang malunod. Huwag kang malunod kahit ikubli ang katotohanang hindi dalisay at marupok ang katotohanan. Marami pang oras ang inihain sa hapag na sa sobrang dami sasagi sa iyong pagiisip na ikaw na ay nagsasawa, marami pang oras kahit hindi na natin pag-saluhan, kahit hindi na pag-saluhan, kahit huwag na, kahit huwag na, gumising ka lang.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.