Ang Goldfish Kong Si Dostoyevsky
December 9, 2010
Ang Goldfish Kong Si Dostoyevsky
Sa basong may platito na may pinturang halaman sa harap nakatira ang Goldfish kong si Dostoyevsky. Hindi nagrereklamo si Dostoyevsky kahit mukhang masikip at walang kasama. Sa katunayan palagi nya ako binibigyan ng ngiting nakapikit ang mata sa tuwing pinapakain ko siya. Kain-tulog lang naman ginagawa ni Dostoyevsky kaya nga minsan iniisip ko kung may pangarap siya sa buhay. Mahalaga rin siguro ang buhay ng mga isda kahit papaano lalo na kapag pinangalanan mo tulad ng ginawa ko kasi sa ganitong paraan matatanto mong may Dostoyevsky na dumating sa buhay mo. Sa may lamesa na katabi ng kama nakalagay si Dostoyevsky kaya masasabi kong magkatabi kami matulog. Isang araw napanaginipan kong ako si Dostoyevsky. Malabo ang paningin at pabilog. Hindi makakilos at walang agos. Sa bilog kong paningin ay nakita ko ang aking sarili. Naiidlip, naiidlip, naiidlip. May kaunting tama ng ilaw sa mukha at naiidlip. Dito inisip ko kung ano kaya ang laman ng aking panaginip. Mahimbing at tila hindi magigising. Dito naalala ko na nagtangkang magpakamatay si Dostoyevsky. Sinubukan niyang lunurin ang sarili sa pamamagitan ng hindi paghinga. Tumalon siya sa baso at lumangoy sa hangin at semento. Lunurin ang sarili, ang gusto ni Dostoyevsky ay lunurin ang sarili ngunit hindi sya nagtagumpay sapagkat naagapan ko ang tagpong ito. Tinanong ko siya kung anong mali, kung anong problema? Walang sagot si Dostoyevsky. Naisip kong nahihiya ito sa kanyang ginawa kung kaya naman inaya ko siya mag inom. Kumuha ako ng isang basong alak at doon pinalangoy si Dostoyevsky. Tuwang tuwa ito at sobrang gaslaw. Tuwang-tuwa si Dostoyevsky at hindi mapakali. Walang duda masaya si Dostoyevsky. Mabigat ang kanyang ulo ngunit lutang ang isip nito, hindi niya matanto kung malabo ang baso o ang kanyang paningin. Sa bilog kong paningin ay nakita ko ang aking sarili. May kaunting tama ng ilaw sa mukha at nais ng maidlip.