Ang walang gulong na bisekleta ni Ramon Fernando

November 16, 2010


Tumungo na naman sa garahe si Ramon Fernando dala dala ang isang basong tubig at tuwalyang naka sukbit sa kanyang balikat. Nasa garahe ang maraming bagay, mga pakong nakakalat, mga kalawanging tubo at kadena. Mga basahang gamit na inaako na ng grasa.

Pero teka…

Wala iyang kinalaman sa balak gawin ni Ramon Fernando sapagkat ang pinupunta niya tuwing gabi sa kanilang garahe ay ang kanyang bisekletang walang gulong. Usap-usapan na mahilig daw talagang mag bisikleta si Ramon ngunit nitong mga nakalipas na taon ay hindi na ito lumalabas. Walang makapagsabi kung bakit, walang may alam kung ano. Kung tutuusin, wala naman talagang may pakialam. Sa gitna ng garahe, dito naka-pwesto ang nakatungkod niyang bisekleta. Kumpleto ang lahat, may preno, may silya, may manibela ngunit wala ang dalawang gulong nito. Sa pagsakay dito ni Ramon Fernando, ang pakiramdam niya’y tulad rin sa pagsakay sa normal na bisikleta, ang pagpadyak niya’y tulad rin ng nakalapat sa lupa, ang pag lingon niya’t tagaktak ng pawis ay maihahambing din. Sa tuwing kinikitil niya ang liwanag ng gasera ay nagsisimula na itong maglakbay. Sa dilim ikaw ay lulutang at maghahabol ng hangin. May gustong puntahan ngunit hindi marating at kung saan ka man nagsimula ay naroon ka parin. Ang pinagka-iba lamang ay napagod kang sinusubukang abutin ang bagay na nasa isip mo lamang at matatauhan sa tuwing bubuksan ang gasera at masisilaw sa sobrang tinag at hindi pagka-hiyang sa mata.

Kinabukasan ay bumili ng isang pares ng gulong si Ramon Fernando. Kinumpuni niya ang kanyang bisekleta at kinabit ang mga ito, nilinis, pinaliguan na parang bata at nilagyan ng pulidong preno. Sumapit ang gabi at walang ilaw sa loob ng garahe nila Ramon Fernando, wala siya sa loob. Tahimik at walang ingay ng kadena at padyak. Binisita ko siya sa kanilang bahay sapagkat matagal ko na siyang hindi napupuna. Walang bakas na naroon siya sa kanilang bahay kaya naman tinungo ko ang garahe. Bukas ang pinto at dito nasa gitna ang bagong ayos niyang bisekleta. Hindi ko alam kung bakit ngunit sinubukan ko ito at nilabas patungo sa kalye, patungo sa kung saan man. Walang pumigil at walang nakakapuna sa akin. Nagpipidal akong may ngisi sa mukha. Itinakas ko ang bisekleta ni Ramon Fernando at masayang masaya ako at halos malapit ng makalayo sa lahat  ngunit nasilaw ako sa liwanag, nasilaw ako. Ilaw ito mula sa gasera ni Ramon Fernando at dito natanto niya ako.

Naabutan niya ako sa garahe ng nakangiti at pinapadyak ang kanyang  walang gulong na bisikleta.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.