Lasing Na Pusa
May 11, 2010
May nasalubong akong lasing na pusa. “O, kamusta ka?” bigkas ko. Tumatagilid siya’t lulang lula habang namumula ang mata. “Kumain ka na ba?” At tinanong ko ulit ang lasing na pusa. Naaawa man ako ngunit wala akong magagawaa, kasalanan niyang magpakalasing. Hinawakan ko siya’t binuhat at hinarap sa aking mukha. “O, anong tinitingin tingin mo?” Tinanong ko ulit at baka sa pagkakataong ito ay sumagot na sya.
Tahimik
Tahimik
Tahimik
Walang imik ang pusang lasing.
Sinubukan ko siyang ipasok sa aking bulsa at hindi siya nagrereklamo. Sinubukan kong ikubli sa loob ng aking damit at aba ito’y maamo. Sinubukan kong iitsa at palakarin sa bubong na puno ng nakausling pako at oo hindi nga sya mareklamo. Siguro kalmado siya dahil lasing, siguro wala siyang pakialam dahil naka-inum. Wala naman akong problema sa lasing na pusa. Naisip ko lang yung mga pusang nakalabas ang mga mata sa kalye at buka ang mga katawan at naliligo sa dugo na parang papel kapag naarawan at hahanginin nalang ng panahon ng walang maayos na libing. Sila yung mga tumatawid pag gabi at kamalasang nasasagasaan. Sa tingin ko nakainum rin sila, wala akong pakialam sa totoo lang pero anong magagawa ko, nandito na siya sa harap ko at pagkakataon na ito para matulungan siya.
“Saan mo ba nais magpunta?” Walang imik at nakatitig.
“Sa bahay namin?” Walang imik
“Sa parke?” Walang imik
“Sa bukid kung saan maraming daga?” Walang imik
“Sa palengke kung saan maraming isda?” Walang imik
E saan kaya, malungkot ang pagtitig nya na tila may butil ng luha sa dulo ng kanyang mga mata. Madilim at malawak, mapanira at nakakalunod. Ang pagtitig ay may halong pangamba kaya naman naisip kong tanungin kung…
“Sa sementeryo kaya?” Tumungo.
Inisip ko kung seryoso ang pusang lasing. Nakainum lang siya sa tingin ko. Nakainum lamang at naguguluhan. Ngunit sa titig niyang kalmado ay nagpapasamid sa aking damdamin. Tumungo kami sa sementeryo habang siya’y karga ng aking braso’t dibdib. Dinig niya ang kaba ko, dinig niyang lahat at sa tingin ko kahit siya’y nakainum alam niyang wala akong ibang iniisip kung bakit ko siya sinamahan dito. Pagpasok ay ako’y naglakad, naglakad na may huwad na pangambang kahit kay lalim na ng gabi at ako’y kalmado lamang kanina ay ngayon ay hindi na mapakali. Napahinto ako sa isang puno, malaking puno. Isang puno na maunlad sa liwanag sapagkat natututukan ng buwan. Tumalon ang lasing na pusa mula sa aking bisig at pumasok siya sa isang butas sa patungo sa loob ng puno. Ako’y naghintay, naghintay hanggang sa umabot sa pagkakataong baka hanggang dito na lamang at malamang siya’y maiidlip na ng biglang…
May umuusling bote ng alak mula sa butas, paunti unti at ako’y nagtaka. Ako’y nagtaka na kahit kanina ko pa ginagawa at iniisip kung bakit ngayon lang ako nagtataka. Ako’y naupo.
Buwan
Sementeryo
Alak
Gabi
Hamog
Walang dahilan para tumanggi sa inaalok nitong pusang lasing na sa tingin ko’y nais niyang mag-inum ng may kasama. Lumipas ang oras na naubos ang laman ng bote. Wala ng alak, wala ng dahilan upang manatili. Napaidlip ako ng kaunti at nananatili paring madilim. Wala na ang pusa sa tabi ko, hindi ko na siya hinanap sapagkat kailangan ko na ring umuwi. Ako’y tumatagilid habang naglalakad, ako’y patagilid kung maglakad. Ako’y may nakasalubong sa haba ng paglalakad, ako’y lula at lasing.. kinausap niya ako at tinanong…
“O, kamusta ka?”